Hindi matutumbasan ang taglay na kasipagan ng ating mga magsasaka, dahil bukod sa nakakangawit na pagyuko sa gitna ng bukid ay m...
Hindi matutumbasan ang taglay na kasipagan ng ating mga
magsasaka, dahil bukod sa nakakangawit na pagyuko sa gitna ng bukid ay
maghapon pa ang mga itong nakabilad sa nakatirik na araw.
Bukod pa dito, hindi naman maiiwasan ang mga problema ng mga magsasaka
tulad ng tagtuyot o El Nino, mga pesteng naninira ng mga pananim at
pagdating ng masamang panahon na dulot ng bagyo.
Gayunpaman, kahit anong hirap ng trabahong pagtatanim ay balewala ito sa
mga magigiting na magsasaka basta maitawid lamang ang pang araw-araw na
pangangailangan at may maiuwing pagkain para sa pamilya.
Dahil dito, viral ang post ng isang netizen na si Jovy Cataraja-Albite,
kung saan ay ibinahagi nito ang pagsisikap ng kanyang ama at ina sa
pagsasaka upang mapagtapos silang magkakapatid sa kolehiyo.
Lubos ang pasasalamat ni Jovy sa kanyang mga magulang dahil kahit hirap
sila sa buhay ay hindi sila pinabayaan ng mga ito na hindi makapatapos
sa pagaaral.
Ayon sa ibinahaging post sa Facebook, si Jovy ang panganay sa kanilang
walong magkakapatid at isa din siya sa nagsilbing pangalawang ina at
gumabay sa kanyang mga nakababatang kapatid.
Kwento ni Jovy, minsan na raw umano siyang pinanghinaan ng loob dahil na
rin sa hirap ng buhay, ngunit laking pasasalamat nito noong pinilit na
magpursigi ng kanyang mga magulang sa pagsasaka kung kaya naman
sabay-sabay nilang naabot ang kanilang mga pangarap.
Si Jovy ay isa na ngayong lisensyadong nurse at ang limang mga lalaking
kapatid nito ay isa ng police, architect, marine, civil engineer at
nautical, habang ang dalawang babae naman ay accounting staff at
teacher.
Nakakatuwang isipin na lahat silang magkakapatid ay nakapagtapos ng
pagaaral at pawang mga propesyonal na ngayon ng dahil sa pagsisikap ng
kanilang mga magulang sa pagsasaka.
Ang kwento ng pamilya nila Jovy ang patunay na hindi hadlang ang
kahirapan ng buhay upang hindi pagtagumpay sa mga pangarap basta may
pagtutulungan sa bawat pamilya at mayroong pananalig sa Diyos ay
pasasaan pa't makakamtan din ang ginhawa.